Martes, Oktubre 21, 2014

Kaligirang Pangkasaysayan ng Pabula sa Korea


Ang mga hayop ay hindi lamang mga nilikhang gumagala sa kapatagan at kabundukan. Ang mga ito ay may simbolong ugnayan sa bansa at sa mga mamamayan nito. Sa Korea, mahalaga ang ginampanan ng mga hayop sa kanilang mitolohiya at kuwentong bayan . Ayon sa kanilang paniniwala, noong unang panahon daw ay may isang tigre at oso na nagnais maging tao. Nang bumaba sa lupa ang kanilang diyos na si Hwanin ( diyos ng kalangitan) ay humiling ang isang tigre at isang oso na maging tao. Ang sabi ni Hwanin ay magkulong sa kuweba ang dalawa sa loob ng 100 araw. Dahil sa marubdob na pagnanasang maging tao ay sumunod sa ipinag-uutos ang dalawa. Pagkalipas lamang ng ilang araw ay agad ding lumabas ang tigre subalit nanatili sa loob ng kuweba ang oso. Pagkalipas ng 100  araw ay may isang napakagandang babae ang lumabas ng kuweba. Ang babae ay natuwa sa kaniyang itsura at kinausap muli si Hwanin . Nagpasalamat siya sa diyos at muling humiling na sana ay magkaroon siya ng anak. Pinababa sa lupa ng diyos ang kaniyang anak na si Hwanung ( anak ng diyos ng kalangitan) at ipinakasal sa babae. Sila’y nagkaanak at pinangalanang Dangun. Si Dangun ay naging hari. Pinaniniwalaang dito nagsimula ang pagkakaroon ng simbolong hayop ang  iba’t ibang dynasty  sa Korea. 


 Ano ang pabula?          

Ang pabula ay isa sa mga sinaunang panitikan sa daigdig. Noong ika-5 at ika-6 na siglo bago si Kristo, may itinuring nang pabula ang mga taga-India. Ang karaniwang  paksa ng mga pabula ay tungkol  sa buhay ng itinuturing na dakilang tao ng mga sinaunang Hindu, si Kasyapa.         Lalong napatanyag ang mga ganitong kuwento sa Gresya. Si Aesop ang tinaguriang “Ama ng mga Sinaunang Pabula” dahil sa napabantog niyang aklat, ang Aesop’s Fable.          Ang pabula ay isang maikling kuwentong kathang-isip lamang. Karaniwang isinasalaysay sa mga kabataan para aliwin gayundin ang magbigay ng pangaral.  Ang mga tauhan ng kuwento ay pawang mga hayop. Mga hayop na kumakatawan o sumasagisag sa mga katangian o pag-uugali ng tao. Ang ahas halimbawa ay karaniwan nang nangangahulugan ng isang taong taksil. Ang pagong, makupad. Ang kalabaw, matiyaga. Ang palaka, mayabang. Ang unggoy o matsing, isang  tuso. Ang aso, matapat. Marami pang hayop ang may ibang pagpapakahulugan. Sa mga
bagay naman, ang rosas ay kumakatawan sa babae at sa pag-ibig. Ang bubuyog sa isang mapaglarong manliligaw.        Itinuturo ng pabula ang tama, patas, makatarungan at makataong ugali at pakikitungo sa ating kapwa. Ang mga pabula ay lumaganap dahil sa magagandang aral sa buhay na ibinibigay nito.   

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento

Pinapagana ng Blogger.