Martes, Oktubre 21, 2014

Niyebeng-itim ni Liu Heng Isinalin sa Filipino ni Galileo S. Zafra



 Paparating na ang bisperas ng Bagong Taon.  Nagpakuha ng litrato si Li Huiquan sa Red Palace Photo Studio, isang bagay na ayaw na ayaw niyang gawin, dahil pakiramdam niya, lalo pa siyang pinapapangit ng kamera.  Sinabihan na siya ni Tiya Luo na sapat na ang apat na piraso, ngunit nag-order siya ng labinlima.  Nagulat ang klerk.   “Kinse?”   “Kinse nga.”   “Hindi kami siguradong maganda pa rin ang litrato kapag ganoon karami.”   “Gusto ko sabi ng kinse!”   May pagkainis na sa kanyang boses at iyon lamang ang magagawa niya para mapigilan ang sarili na suntukin ang pangang iyon.  Nag-order siya ng kinse para hindi na siya bumalik pa sa susunod at ikinabuwisit niya ang ituring na kahangalan ang ganito.   Nang bumalik siya para kunin ang litrato, mas kabado siya kaysa nang kunin niya ang mga abo ng kanyang ina sa crematorium.  Tumalikod siya at lumakad papalayo dala ang balutang papel nang hindi pa muna sinusuri ang litrato, at nang nag-iisa na lamang, dinukot niya ang laman .  Labinlimang magkakatulad na litrato ang hawak niya, bawat isa ay nakatitig sa kanya nang may pare-parehong hitsura.  Sa kabuuan, mas maayos ang kinalabasan kaysa kanyang inaasahan.  Parang mas manipis ang kaniyang labi dahil nakatikom, nakatitig ang mga mata niya.  Hindi mo masasabing pangit.  Sa katunayan, mas guwapo siya kaysa sa maraming tao.  Wala siyang reklamo.   Dinala siya ni Tiya Luo sa komite sa kalye kung saan pinagpasa-pasahan sila.  Nakipag-usap sila sa iba’t ibang tao hanggang sa isang may katandaang opisyal ang nagbigay rin sa kanya ng lisensya para sa kariton.  Hindi naaprobahan ang kanyang aplikasyon para sa lisensya sa pagtitinda ng prutas dahil puno na ang kota.  Ang mga kontak ni Tiya Luo ay hindi makatulong o ayaw nang tumulong.  Mayroon na lamang lisensya para sa tindahan ng damit, sombrero at sapatos.  Wala nang pakialam si Huiquan kung anuman ang maaaring itinda.  Ang mahalaga, mayroon siyang magawa.  Nabalitaan niyang mas madali ang pagtitinda ng prutas,  mas mabilis ang kita; mas mabagal naman sa damit, at mas mababa pa ang tubo.  Nabalitaan din niyang kailangan niya ng maayos na tindahan o koneksiyong black- market para talaga mapatakbo ito.  Ngunit handa siyang sumubok.  Kailangang palakasin niya ang kanyang utak, at di matatakot magtrabaho, maaayos ang lahat.  Kahit maliit ang kikitain niya, hindi naman liliit pa iyon sa natatanggap niya bilang ulila, hindi ba?  Bahala na.   Paglabas nila mula sa compound ng gobyerno, nakabangga nila ang isang matabang mama na tinawag ni Tiya Luo na Hepeng Li.  Sabi ni Tiya Luo kay Huiquan na tawagin itong Tiyo Li.  Walang ideya si Huiquan kung hepe ito ng ano at kaninong tiyo ito, ngunit naaalala niya rito ang matatabang sumo wrestler ng Hapon.   “Hindi ka ba magpapasalamat kay Tiyo Li sa lahat ng tulong niya?”    Magalang na yumuko si Huiquan, isang ugaling natutunan niya sa kampo.Kailangang yumuko ang mga bilanggo sa lahat ng guwardya, inspektor, at tagamasid na nakikipag-usap sa kanila o nakatingin man lang sa kanila-  iyon ang pagsasanay.  Ginagawa na niya iyon dahil nakasanayan na.  Ngunit halos di siya napansin ng mama --  tila ito isang lalaking tumitingin ng kung anong paninda.  Pakiramdam ni Huiquan ay isa siyang basurahan o isang pirasong basahan na nais magtago sa isang butas.   “Ito ba siya?” tanong ng matabang mama kay Tiya Luo.   “Mabait siyang bata, tulad ng sabi ko.  Tingnan mo’t namumula na siya.”  Napatawa ang mama habang itinuon ang tingin kay Huiquan.   “Alam mo ba kung paano ka nakakuha ng lisensya gayong maraming retirado at walang trabaho ang di-makakuha?”   “Dahil … dahil kailangan ko ng trabaho?”   “Iyon lang ba?” mapanlibak ang ngisi ng mataba.   “Dahil isa akong ulila?” “Kinakalinga ka ng pamahalaan; tiyak kong alam mo iyan.  Huwag kang manggugulo at huwag kang sakim…   nagkamali ka na.  Kalimutan mo na iyon, dahil kapag umulit ka, wala nang tutulong sa iyo.”   “Gagawin ko anuman ang ipag-utos ng pamahalaan.”   Isa na naman sa maraming islogan sa kampo.  Nakabilanggo pa rin  ang kaniyang isip at damdamin kahit pinalaya na siya sa kampo.  Kahit si Tiya Luo ay tumangu-tango.  Saanman siya magpunta, laging may nagsasabi sa kaniya kung ano ang dapat at di-dapat gawin; sa pagtingin sa kanya nang mababa, umaangat ang kanilang sarili.  Namalagi siya sa bilangguan. Sila ay hindi at nararamdaman niya na ang mga babala, panlalait, at paalala ay para lang sa kaniya; gamitin ang ihian, walang dudura, bawal pumasok, limang yuan na multa -  lahat ay patungkol sa kaniya at tanging sa kanya lamang.  Habampanahon na may magpapahirap sa kaniyang buhay, magtuturo sa kaibahan niya at ng ibang tao, hihila sa kanya paibaba.  Gusto  niyang lumaban, pero wala siyang lakas.  Kaya magpapanggap siyang tanga, umiiwas sa mga nagmamasid at nagmamatyag,  Maraming taon na naman niyang ginagawa ito.    Masayang naglakad si Tiya Luo, di-pansin ang tamlay sa mukha ni Huiquan habang nakasunod ito na parang bilanggo.   “Halos Bagong Taon na.  Pwede kang manatili ngayong bagong taon sa amin.”   “Salamat, pero maayos na po ako…”   “Sa palagay ko’y matutuwa na ang ina mo.  Kung buhay siya, ipapangalandakan niya --  negosyante na ang anak ko; maganda ang kinabukasan niya; hindi na siya katulad nang dati.  Gusto kong pasalamatan mo ang nanay mo.”   “Sige po.”   “Bahala ka kung gusto mong mag-isa ngayong Bagong Taon pero hindi ibig sabihin na pwede kang uminom.”   “Huwag kayong mag-alala.”   “Hindi na maaga para mamili para sa Bagong Taon.  Isda, manok – kung ano- ano pa.  Kung hindi ka marunong magluto, pumunta ka rito at tuturuan kita.  Dapat lang na maayos ang Bagong Taon mo.  Pagkatapos, dapat magtrabaho na.  Ayusin mo at hahanapan kita ng nobya.  Ano sa palagay mo, bata?”   “Kayo ang masusunod.”   Ngumiti siya ngunit matamlay.  Ang isang yari sa kahoy at canvass  na ambi ay aabot ng sandaan o mahigit pa; kung may tatlong gulong, dagdag na tatlong daan pa mahigit.  Wala nang matitira para sa paninda.  Hindi pa nga nagsisimula’y kailangan na niyang humugot sa naipon ng kaniyang ina.  Kinabahan siya dahil wala na itong atrasan.   Isa o dalawang araw bago ang Bagong Taon, nakakita siya ng kakarag-karag at lumang tatluhang gulong na sasaksyan sa East Tsina Gate Consignment Store na 230 yuan ang halaga.  Ayos ang presyo pero napakasama ng kondisyon at di- masasakyan.  Mukhang maayos ang balangkas- kahit paano’y napanatili ang hugis; walang gulong, pero mapakikinabangan pa rin ang gilid at rayos ng gulong; walang kuliling , walang kadena, at walang tapakan, ngunit may preno at pedal.  Hindi siya makapagpasya at pinag-isipan niya sa lahat ng anggulo.  Nalibot na niya ang buong bayan.  Ang mga bagong sasakyan ay nagsisimula sa apat na raan, wala namang ipinagbibiling umaandar pang segunda mano.  Sa isang groseri, nakakita siya ng isang sasakyang yari sa kawayan na mukha namang matibay, ngunit parang may mali rito.  Kung magtitinda siya ng damit, kakailanganin niya ang tatluhang gulong – para naman presentable.   “Gusto mo nito? Para saan?”  Lumapit ang klerk sa kaniya.   “Kariton para sa mga damit.”   “Tamang-tama.  Hindi ka magsisisi.  Kung poste ng telepono, o kongkreto. O iba pang katulad, hindi ko ‘to irerekomenda.  Pero para lamang pala sa ilang tumpok ng damit.  Di ka gagastos ng higit sa sandaan sa pag-aayos nito, at pwedeng tumagal pa ng lima, anim na taon.”   “Bakit di-gumagalaw?”   “Matigas ang preno.  Aayusin ko.”   Ibinigay ni Huiquan ang pera, at kinaladkad ang walang gulong na sasakyan mula East Tsina Gate patungong Dongsi, at mula roon, papuntang Chaoyong Gate.  Dahil sa kanyang natatanging sasakyan, naging sentro siya ng atensyon, bagaman hindi naman nakapipinsala ang mga tingin sa kanya.  Matapos bumili ng ilang parte sa pagawaan ng bisikleta sa labasan ng Chaoyong Gate Boulevard, tinulak niya ang kanyang sasakyan patungong East Lane ng Kalyeng Spirit Run papasok sa gate ng bilang 18.  Ang berdeng bayong na nakasabit sa kalawanging hawakan ng sasakyan ay napuno ng tinimplang baka, dalawang pinakuluang manok, may yelong isda, apat na paa ng manok at isang bote ng alak – hapunan para sa Bagong Taon.  Binili niya at madaling nakuha dahil ayaw na ayaw niyang nakapila at wala naman siya talagang hinahanap para sa kanyang hapunan.  Mas iniintindi niya ang kaniyang sasakyan, ang kanyang bagong kaibigan, ang kaniyang tahimik na kasama.   Inimbitahan siya ni Tiya Luo para maghapunan, bisperas ng Bagong Taon.  Dumaan ito habang naglalagare siya ng kahoy, nakalambitin sa kaniyang bibig ang isang pirasong manok.  Tumanggi na muna siya.  May naamoy ang Tiya at inangat nito ang takip ng palayok.  Pinalalambot ang paa ng manok sa kumukulong sabaw.  Walang makikitang berde – hindi balanseng pagkain.  Sira na ang manggas ng kaniyang panlamig; puno ng kusot ang kaniyang sapatos at laylayan ng pantalon; marumi at mahaba ang kaniyang buhok.  Naawa si Tiya Luo sa kaniya, ngunit tumanggi pa rin si Huiquan.  Ginagamit pa rin niya ang kahoy na iniwan ni Hobo, desididong gumawa ng magandang patungan para sa kaniyang sasakyan.   Bumalik si Tiya Luo para imbitahan siyang manood ng TV -  nakatatawang palabas at iba pang kawili-wiling programa.  Hindi dapat palampasin.  Ngunit umiling siya, hindi man lang tuminag sa kaniyang paglalagare.  

“Marami pa po akong gagawin.”   “Hindi makapaghihintay kahit pagkatapos ng Bagong Taon.”   “Mas gugustuhin kong patapusin ninyo ako...”   “Marami namang panahon.  Huwag mong tapusin agad lahat.  Di ka dapat magpagod, Bagong Taon pa naman.”   Sa umpisa, panaka-naka ang mga paputok, ngunit dumalas ang ingay at pagsapit ng hatinggabi, akala mo’y sasabog na ang mundo.  Ibinaba ni Huiquan ang lagare at nagsalin ng alak.  Matagal na pinalambutan ang paa ng manok kaya halos matanggal na sa buto ang mga laman nito.  Tama naman ang pagkaluto, medyo matabang, marahil, kaya nilagyan niya ng kaunting toyo ang plato at isinawsaw niya ang laman dito, at kumain at uminom siya hanggang sa mamanhid ang kanyang panlasa.   Maaaninag sa kaniyang bintana sa kaniyang likod ang pula at berdeng ilaw paminsan-minsan.  Karangyaan kahit saan ka lumingon, mula sa mga taong kuntento sa kanilang buhay.  Ano ang balak ng milyong taong ito ?  Ano ang ipinagsasaya nila?     Siguradong hindi siya kabilang sa kanila.  Kung buhay si Ina, panahon iyon ng pagbabalot ng dumpling, iyong maliliit na pagkaing pumuputok sa bibig na parang kendi.  Gustung-gusto niya iyon.  Sa unang Bagong Taon niya sa kampo, pitumpu’t anim ang nakain niya sa isang upuan, hanggang sa mabusog siya nang sobra’t hindi na siya halos makaupo, at ginugol niya ang buong hapon sa paglalakad sa laruan.  Gayunman, kahit ang alaalang ito ay hindi nakapagpasaya sa kaniya.  Malagkit ang mga kamay niya dahil sa pinalambutang paa ng manok at sapin ng malagkit na baboy, at nahihilo na siya dahil sa alak.   Lumabas siya at tumayo sandali sa bakuran.  Walang lamig, walang hangin.  Makulay ang langit; maraming paputok sa lahat ng dako.  Ang bakuran, na may mahigit sa pito o walong talampakan ang luwang, ay tulad ng balon sa ilalim ng kumikinang na bughaw na langit.  Isang stereo ang bumubuga ng awit, iyong tunog na di-maintindihan.  Naiisip niyang mataba at pangit ang mang-aawit. Nakapanood na siya ng ganito sa TV – magagandang boses at ngiti ngunit pangit ang hitsura nila.  Kumikisay sila sa iskrin, ang mga kilos ay nagpapatingkad lamang sa kanilang kapangitan at ang mga awit nila ay ginagawang mga sigaw at halinghing.  Magagandang babae lamang dapat ang ipinakikita sa TV, subalit maaaring nagkukulang na ng suplay.  Bagaman lumalayo na si Huiquan sa mga babae, sumasagi pa rin sa isip niya ang imahen ng magagandang dalaga.  Wala sa mga ito ang kilala niya dahil labo-labo na ang mga ito sa kanyang utak – malalabong imahen na ang intensyon ay malinaw at tiyak.  May mga panahon, natatanging panahon, kung kailan pinapangarap niyang mapasasayaw niya sa kaniyang isip ang mga imahen.  Ngunit sa totoong mundo man o sa mundo ng ilusyon ay hindi niya mapasunod ang mga ito.  Walang magawa, napilitan siyang tanggapin ang kaniyang kahinaan.   Ang isip ni Huiquan ay nabaling sa malalaswang dingding  --  dingding ng banyo na ang mga sugat ay hindi mabura, ginulping dingding na halos iguho ng malalaswang pag-atake.  Kakaiba, malaswang isip at dumi ay kakatuwang napapagsama nang maayos doon, pinupuwersa siyang harapin ang maruming katawan na pinipilit niyang itago.  Mag-isa sa bisperas ng Bagong Taon, idinagdag niya ang sarili niyang mga pantasya sa mga naroon sa maruruming dingding.  Hindi pala ang mga babae kundi marahil sa sarili pala niya siya naririmarim.   Sa sarili niyang paraan, inalagaan niya ang kaniyang sarili.  Magulo, siyempre pa, ngunit gusto niya ang gayon, lihim, ligtas, at di-komplikado.  Mas maraming mapagtataguan sa kampo kaysa kaya nilang bilangin – taniman, maisan, daluyan ng irigasyon, di pa nabubungkal na bukid – na ang tanging nagmamasid sa kaniya ay ang langit sa itaas at ang lupa sa ibaba.  Nang naroon na siya, wala na siyang pagtingin kay Xiaofen, kaya wala nang direksyon ang kaniyang pagkahumaling.  Bahala na.  Alam niyang pinaglalaruan siya ng mga demonyo at wala siyang lakas para labanan ito.   Pagod na siya.  Paubos na ang mga pagputok.  Ang madalang nang pagputok ay nagpatingkad sa kalaliman ng gabi.  Puno na ang mg tao ng kasiyahan, pagkain, at laro, at oras ba para matulog ang lungsod, bago magbukang-liwayway.  Wala siyang kasama, at pakiramdam niya’y nawawala siya.  Labas sa kaniyang mga pantasya, wala siyang makitang babae na karapat-dapat sa kaniyang pagmamahal.   Si Luo Xiaofen, wala na sa kanyang isip, ay hinding-hindi ang babaeng iyon.  Hindi pa niya nakikita ito simula nang lumabas siya.  Nagbabakasyon ito sa Harbin kasama ng kaniyang nobyo, isang assistant  sa kolehiyong normal, at isang gradwadong mag-aaral sa matematika si Luo – isang tambalang itinadhana ng langit.  Ibinalita ni Tiya Luo, masaya at nagmamalaki, na magpapakasal na ang dalawa sa Mayo.  Si Luo Xiaofen – kababata ni Hiuquan, sabay silang nag- elementarya hanggang gitnang paaralan, ngunit ngayon, wala na siyang pagkakatulad.  Nasa Harbin si Luo, samantalang siya, nasa kalyeng Spirit Run, sa isang madilim na sulok, gumagawa ng hamak na bagay.  Ngunit ito ang tadhana.  Hinahamak siyang lagi ng tadhana.   Sa unang araw ng bagong taon, pinagkaabalahan niya ang kaniyang sasakyan, sa ikalawang araw, inilabas iyon para paandarin.  Tuwang-tuwang siya sa mga sisidlang ginawa niya.  Nagbisekleta siya para tingnan ang mga pakyawan, para pag-aralan ang mga lokasyon nito.  Sa ikalima pa ang takdang pagbubukas ng mga ito, tila pinagkaisahan siya.  Walang magagawa hanggang sa araw na ito.   Matapos sumulat sa Instruktor Politikal Xue at ipadala ang liham, dumaan si Huiquan sa isang tindahan ng libro at bumili ng mga kopya ng “Mga Multo sa Isang Lumang Sementeryo at Mga Babaeng Ahas”.  Pagbalik sa bahay, humilata siya’t nagbasa habang kinaing-isa-isa ang saging.  Nitong mga nagdaang araw, nakaubos siya ng isang piling hanggang sa naging madulas ang kanyang bituka at napapapunta sa inodoro buong araw.  Maayos naman ang mga libro; hindi lang siya makaalala ng istorya.  Kaya’t binabasa niyang muli, at parang bago at kawili-wili pa rin sa ikalawang pagbasa.  Matapos niyang basahing muli ang mga libro, itinabi niya ito at ang mga pader ay tila blangko at maputla.  Saging pa.  Itinuturing na niyang mga gago ang mga awtor.  Nakababato.  Gayon pa rin bukas, at may pakialam ba siya ?  Ano ang pagkakaiba ng malaki at maliit na daga ?  Parehong pangit; parehong patagu-tago.   Ibinigay kay Huiquan ang pwesto sa may daanan sa timog ng Silangang tulay.  Dito ang mga numero ay nakapinta nang puti sa mga ladrilyo na nasa isang mahabang hanay ng tigdadalawang kwadrado-yardang pwesto; ang iba ay okupado, ang iba ay hindi.  Matapos niyang ayusin ang kaniyang tindahan, tinakpan niya iyon ng ambi at inayos ang kaniyang sasakyan para magsilbing harap ng tindahan.  Sa bandang kaliwa niya ay ang daanang silangan-kanluran, sa bandang kanan, ang katapat nitong hilaga-timog.  Nasa tapat mismo ng paradahan para sa Eastbridge Department Store.  Nasa gilid siya ng alimpuyo ng mga tao, parang di humihinto.   Wala isa man lang na tumingin sa kaniyang paninda.  Pagod pa sa nagdaang okasyon, ang mga dumaraan ay palaiwas o bugnutin.  Ang kaniyang designasyong ay Timog 025.  Hindi magandang puwesto.  Siya ang ika-25 tindero ng damit sa isang mahabang yardang lugar.  Ang mga tindahan ng pagkain ay nasa hilagang bahagi ng kalye, na may di kulang sa anim na nagtitinda ng inihaw na kamote at ilan pang matatandang naglalako ng malamig na dalandan at halos bulok nang saging.   Napuno ng kulay berde sa kaniyang tindahan – isang bunton ng walong kulay-olibang kasuotang pang-army.  Isinampay niya ang ilan, inilatag ang iba, at isinuot ang isa.  Niloko siya ng matandang lalaki sa pakyawan.  Hindi maitinda ang mga kasuotan, panlamig na angora, at sapatos na gawa sa canvass. Ang naitinda lamang niya nang araw na iyon ay mga angora, madaling naubos ang dalawampung piraso.  Mangyari pa, iyon ang pain para sa iba pang paninda.  Ang pakyawan ay tres-diyes.  Ibinenta niya ang una ng apat na yuan at ang huli, sais-beinte.  Walang kinailangang magturo sa kaniya.  Natuto siya nang iabot sa kaniya ng unang kostumer ang pera ; huwag kang matataranta sa pera at kalimutan mo na ang pagiging magalang.  Sumigla siya, sa kung anumang dahilan; kumislap ang mata niya, at napanatag siya.  Sa wakas, isang bagay itong may kontrol siya.     Gusto sana niyang magtago ng isang gora para sa sarili.  Para itong Ku Klux Klan na talukbong – mga mata lamang ang makikita – at iyon ang kailangan ng nagtitinda.  Pakiramdam ni Huiquan ay makapangyarihan siya, tulad ng misteryosong matanda na naglalako ng minatamisan na nakatayo sa harap ng Eastbridge Department Store, sa dinaraanan mismo ng hangin, ilang oras na walang imik, walang kibot.  May mga kostumer siya – hindi marami, kaunti – ngunit hindi na matagalan ni Huiquan na panoorin siya, alam niyang maaari siyang sigawan nito kapag nagpatuloy pa siya.   “Sapatos na tatak-Perfection mula sa Shenzhen free economic zone.  Sapatos, tatak-Perfection, gawa sa Shenzen…”   Nagulat ang mga naglalakad sa sigaw niyang ito.  Narinig na niya ang ganitong pagtawag sa Gate ng Silangang Tsina at sa Bukanang Gate, ngunit hindi niya alam kung kaya niya ang ganito.  Mahirap, sa isip niya; hindi niya kaya.  Ngayon, alam na niyang mali siya sa pagtantya sa sarili.   “Mga blusang Batwing! Halikayo rito ! Tingnan ninyo !”   Sa pagkakataong ito, napakasama ng tunog, ngunit tila walang nagulat.  Ilan pang segundo, nasanay na ang mga mamimili sa kaniyang kakaibang sigaw.  Maipagkakamaling galing sa aso o sa kotse, at hindi pa rin papansinin ng mga namimili.   “Mga blusang Batwing!  Seksi, seksi, seksi, mga babae!”   Kung makasisigaw lang talaga siya ng kung anong malaswa para mapansin.  Buong araw, binantayan niya ang kaniyang tindahan, mula umaga hanggang oras ng hapunan, ngunit  wala siyang nabenta, isa man lang panlamig na angora o isang pares ng sapatos kaya --  wala maliban sa dalawampung angora.  Kahit iyon lang, ang may katandaang babae sa kaniyang kanan ay naiingit, dahil gayong mas matagal na ito rito, naibenta lamang nito ay pares ng medyas at dalawang panyo.  Ang tindahan sa kaliwa ay binabantayan ng isang lalaking dadalawampuin na muntik nang mapaaway sa isang kostumer dahil sa isang jaket na balat.  Ang sabi ng kostumer, iyon ay imitasyon; ipinilit ng tindero na tunay iyong balat.  Kinusot iyon ng kostumer at iginiit na imitasyon iyon mula sa ibang bansa.  Naubos na ang pasensya ng tindero.  Alam ni Huiquan na tunay iyong balat, ngunit hindi siya nakihalo sa gulo.  Walang dahilan para sumangkot.  Nang ang lalaki ay nag-alok sa kanya ng sigarilyo, tumanggi siya.  At siya naman ang nagsindi, di niya pinansin ang lalaki.  Wala siyang balak na mapalapit kaninuman.  Kailangang mag-ingat kapag sangkot ang ibang tao.   Siya ang huli sa hanay ng mga tindahan na nagsara ng araw na iyon.  Alas nuwebe na, kalahating oras matapos magsara ang department store.  Madilim ang paradahan, halos walang nagawa ang mga ilaw sa kalye; wala nang kostumer sa gabi.  Nagsasara na rin ang tindahan sa tapat, na binabantayan ng dalawang lalaki, ngunit kahit gabing-gabi pa, parang ayaw pa nilang tapusin ang araw; may lungkot at panghihinayang sa kanilang tinig.   “Medyas na nylon,  pasara na !  Otsenta sentimos ang isang pares … otsenta sentimos isang pares !  Paubos na ang medyas na nylon.  Huling tawag ! Medyas na nylon …   Dumaan ang kanilang sasakyan sa gilid ng kalye patungo sa daan, sa direksyon ng tore ng pamilyang Hu.  Pumedal ang isang tindero samantalang ang isa ay nakaluhod sa sasakyan at iwinawagayway ang isang pares ng medyas na nylon.  Sandali lang ang kanilang lungkot na mabilis na pinalitan ng pambihirang tuwa.  Ang kanilang mga tinig – isang mataas, isang mahina – ay iginala ng hangin sa gabi.  Sa sumunod na araw, nakabenta siya ng muffler.   Sa ikatlong araw, wala siyang naitinda.   Sa ikaapat na araw, wala pang kalahating oras pagkabukas niya ng tindahan, nakapagbenta siya ng kasuotang pang-army sa apat na karpintero na kababalik lamang sa Beijing mula sa timog.  Pagkagaling sa Estasyon ng Beijing, tumungo sila sa hardware  sa tore ng pamilyang Hu, at nang marating nila ang Silangang-tulay, nagkulay talong ang kanilang labi dahil sa lamig.  Naligtas ang kanilang mga balat ng kasuotang panlamig ni Huiquan, at ang kanilang pera ay mabilis niyang isinilid sa kaniyang bulsa.  Bago siya nakapagtinda, matamlay niyang hinarap ang negosyo, ngunit nagbigay ng inspirasyon ang pagbili ng mga karpintero.  Tiyaga ang susi para sa isang buhay na matatag.  Kahit sa pinakamalalang panahon, walang ibubunga ang mawalan ng pag-asa.  Mas mabuting maghintay kaysa sa umayaw, dahil walang makaaalam kung kalian kakatok ang oportunidad,  Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay malas ka, hindi ba ?  Nag-iisip si Huiquan.                                            


 Mula sa Raya : Pagbasa at Pagpapahalagang Pampanitikan  sa Filipino ni Aurelio S. Agcaoli,2005   

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento

Pinapagana ng Blogger.